Mahigit 4,000 na pulis, militar at iba pang volunteers ang ipakakalat sa Metro Manila at Central Luzon para sa pagdaraos ng FIBA Basketball World Cup 2023, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Kasama sa naturang bilang ang mga tauhan ng PNP, Armed Force of the Philippines (AFP), Philippine National Red Cross (PNRC) at Philippine Coast Guard (PCG), at itatalaga ang mga ito sa matataong lugar, gaya nang lugar na pagdarausan ng basktetball games – Philippine Arena, Araneta Coliseum, at SM Mall of Asia Arena – at maging sa mga paliparan, ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo.
“May mga soft deployment na tayo particularly diyan sa mga airport at doon sa mga building area. Simula kahapon ay nagsimula nang magdatingan ‘yung mga participants at delegates kaya mayroon na tayong deployment,” ani Fajardo.
“Asahan natin na maglalagay tayo ng sufficient personnel para siguraduhin ang kaligtasan at seguridad ng hindi lamang ng ating participants or delegates, pati na rin ng ating audience,” aniya pa.
Una nang sinabi ng PNP na wala namang banta sa seguridad ng bansa, partikular sa gaganaping palaro, na inaasahang dadagsain ng libu-libong basketball fans. Suspendido na rin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at eskuwela sa lahat ng antas, bilang paghahanda sa makasaysayang sports event.