Sinuspindi ng Department of Justice (DOJ) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pagpapatupad ng 2023 IACAT Departure Guidelines para sa mga Pinoy na magtutungo sa ibang bansa matapos kontrahin ng ilang senador ang bagong patakaran na ito.
Agosto 22 nang ilabas ng dalawang ahensiya ang kopya ng bagong patakaran na nagtatakda ng kinakailangang mga dokumento para makaalis ng bansa, at nakatakda sanang ipatupad ngayong Setyembre.
“[I]n light of recent concerns raised by our esteemed senators and to address the importance of transparency and public consultation, the Secretary of Justice, Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, has deemed it necessary to thoroughly clarify the issues surrounding the revised guidelines to both the senators and the public,” anang pahayag na inilabas ng DOJ ukol sa suspension ng bagong guidelines.
“The Department of Justice acknowledges the vital role of our esteemed senators as representatives of the people, entrusted with safeguarding the rights and welfare of our citizens. It is our duty to address their concerns and provide them with the necessary information and clarifications,” pahayag ng DOJ.
Una nang inaprubahan ng Senado ng isang resolusyon na pumipigil sa pagpapatupad ng bagong patakaran na may kaugnayan ng mga dokumentong dapat na ipakita ng mga Pinoy travellers sa immigration officials sa kanilang pagtungo sa ibang bansa.
Samantala, sa hiwalay na resolusyon ng Senado, pinahihintulutan nito si Senate President Juan Miguel Zubiri na maghain ng petisyon sa Korte Suprema hinggil sa isyu ng bagong IACAT guideline.
Sa kabilang banda, ayon sa DOJ at IACAT, mananatili ang umiiral na patakaran pagdating sa mga rekisito para makaalis ang isang pasahero patungong abroad.
Kinuyog ng kritisismo mula sa publiko ang bagong guidelines dahil sa haba ng listahan ng mga dokumentong dapat ipakita sa immigration para mapatunayang lehitimo ang overseas travel ng isang pasahero.
Base sa bagong IACAT guidelines na suspendido ang pagpapatupad, dapat magsumite ang mga bibiyaheng Pinoy ng proof of income o katibayan na mayroon silang sapat na pondo para sa kanilang biyahe.