Asahan ang pagtaas ng pasahe sa eroplano bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, partikular ang jet fuel, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).
Batay sa advisory ng CAB, nasa Level 6 na ang passenger at cargo fuel surcharge sa domestic at international flights, o dalawang antas na mas mataas kumpara sa kasalukuyang singil. Ito ay para sa Setyembre 1 hanggang 30, ayon sa CAB.
Paliwanag ng CAB, hindi nagbago ang passenger at cargo fuel surcharge sa loob ng tatlong buwan, o hanggang Hunyo.
Dahil dito, nasa P185 hanggang P665 ang babayarang fuel surcharge ng bibiyahe sa loob ng bansa depende sa layo, samantalang para sa pasahero ng international flights na magmumula rito sa Pilipinas, nasa pagitan ng P610.37 hanggang sa P4,538.40 ang fuel surcharge na babayaran, na siyang magpapalobo sa kanilang pasahe.
Sa kasalukuyang Level 4, nagbabayad ang pasahero nang mula P117 hanggang P342 sa fuel surcharge para sa local flight, depende sa distansiya. Samantalang nasa P385.70 hanggang P2,867.82 ang sa international flights.
Gayonman, sinasabing “opsiyonal” ang pagpataw ng surcharge sa mga pasahero. Maaaring ipasa ng mga airline ang halagang ito sa pasahero para mabawi ang gastos bunsod ng pagtaas ng jet fuel cost.