Mula sa isang maliit na t-shirt store sa loob ng mall, ang Bench clothing brand ni Ben Chan ay isa na ngayong lifestyle group, bitbit ang iba’t ibang local at international brands sa larangan ng fashion, furniture, real estate, at pagkain.

Ang Bench brand mismo ay mayroon nang 648 branches sa Pilipinas at sa international outposts nito sa USA, Middle East, China, at Myanmar.

Ipinagdiriwang ng Bench ang ika-35 anibersaryo nito ngayong 2023 at sa gitna ng hindi maikakailang pagsulong ng kinikilalang top Pinoy clothing store chain sa bansa sa nakalipas na mahigit tatlong dekada, sinabi ni Chan na hindi “one-man effort” ang tagumpay ng kumpanya.

Sa isang panayam ng multimedia lifestyle publication na Philippine Primer kay Chan noong 2017, ibinunyag niyang katuwang niya ang kapatid niyang babae na si Nenita Chan-Lim at ang pamilya nito sa pangangasiwa sa Suyen Corporation, ang parent firm ng Bench.

“It’s a family-run company with my sister, her husband, their children, and myself running the show,” ani Chan, na kilala ng marami sa pagpapahalaga sa kanyang mga empleyado.

‘Extended family’

“Naturally, we treat our employees as our extended family,” dagdag ni Chan—na kamakailan ay naging laman ng mga balita dahil sa ibinigay niyang Hong Kong Disneyland trip sa kanyang 475 “loyal employees.”

Ibinida ni Chan ang anniversary treat niya para sa kanyang mga empleyado sa isang Instagram post nitong Agosto 15: “Grateful beyond words for the incredible journey with my BENCH family. Our 475 loyal employees are the heart of this celebration as we embrace the magic of HK Disneyland. Here’s to more dreams fulfilled together!”

Kasama rin sa Disneyland trip si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez—ang kauna-unahang celebrity endorser ng Bench—ang misis niyang si Ormoc City Mayor Lucy Torres, at anak nilang si Julianna Gomez, na kapwa rin brand ambassadors.

Ang nasabing biyahe ang ikalawang pagkakataon na ipinasyal ni Chan sa Hong Kong ang daan-daan niyang empleyado para sama-samang i-celebrate ang milestone ng Bench.

Sa katunayan, tinawag ni Chan na “unforgettable” ang unang beses na magkakasama silang bumiyahe sa labas ng bansa noong 2017 para sa kakaibang “team building experience.”

“Back in July (2017), we celebrated our 30th anniversary by taking employees—who have been with us for at least a decade—on a trip to Hong Kong,” kuwento ni Chan sa Primer interview.

“That turned out to be 400 employees, which includes both local and overseas operations! We filled an entire plane, and the whole trip turned out to be more than a team building experience. It cemented our bond as a company and made the trip unforgettable,” kuwento pa ni Chan.

Kasama sa libreng biyaheng regalo ni Chan ang tinatawag niyang Prime Team—isang grupo ng mga persons with disability (PWDs) at mga senior citizens na nagtatrabaho sa Bench simula 1999.

‘KWENTONG BENCH/35’

Para sa 35th anniversary ng Bench, ipalalabas ang isang dokumentaryo na nagbibigay-pugay sa 35 taon ng pagpupursige, pagsusumikap, pagharap sa mga paghamon, at pagtatagumpay ng sikat na local fashion brand—na kasa-kasama ang mga empleyado nito sa hirap at ginhawa.

Produced ng SARTiNE digital advertising agency, mapapanood ang KWENTONG BENCH/35 sa Sabado, Agosto 26, sa ganap na 10:00 ng umaga, sa PILIPINAS TODAY LIVE.

One thought on “Ben Chan, ‘extended family’ ang turing sa Bench workers”

Comments are closed.