Walang nakikitang banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa International Basketball Federation (FIBA) Basketball World Cup 2023 na gaganapin sa bansa mula Agosto hanggang Setyembre ngayong taon.
“Sa ngayon ay wala pa naman tayong namo-monitor na anumang seryosong banta para nga sa nalalapit na pagho-host natin para sa Fiba pero hindi tayo ang kumpiyansa palagi,” pahayag ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo sa press briefing sa Camp Crame.
Aniya, puspusan ang ginagawang ugnayan ng pulisya at iba pang ahensiyang sa paglalatag ng seguridad hindi lamang sa mga atleta na daragsa mula sa iba’t ibang panig ngunit maging ang kanilang libu-libong fans.
“[Pero tuloy] yung ating coordination sa ating counterparts lalong lalo na sa kanilang mga intelligence units para kung may mga information tayong natatanggap ay vina-validate natin yan to make sure na hindi tayo malulusutan ng anumang banta sa seguridad,” pahayag ng opisyal.
Nauna rito, sinabi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na parehong security preparations na ginamit sa 2015 APEC Summit, 2015 Papal Visit, 2017 Asean Summit at 2020 Miss Universe Pageant ang ipatutupad sa FIBA World Cup 2023.
Aniya, ang binuong Security Task Force (STF) FBWC 2023 ang mangangasiwa sa security operation at mga public-related services sa kasagsagan ng event.
Inaasahang lalahok sa World Cup ang mga manlalaro mula sa Africa, America, Asia-Pacific at Europe habang nasa 3,253 World Cup customer groups ang daragsa sa bansa para masaksihan ang mga basketball games.
-Baronesa Reyes
[…] nang sinabi ng PNP na wala namang banta sa seguridad ng bansa, partikular sa gaganaping palaro, na inaasahang dadagsain ng libu-libong basketball fans. […]