Inihayag ni national team coach Chot Reyes ang pangunahing katangian na hinahanap niya sa mga manlalaro para makapasok sa final roster ng Gilas Pilipinas sa pagsabak ng national team sa FIBA World Cup.
Sinabi ni Reyes sa isang panayam kamakailan sa CNN Sports Desk na gusto niya ng player na “total fit.”
“First of all, they have to have the fitness, in terms of physical fitness. But they have to fit the style of play that we want to play,” paliwanag ng Gilas tactician.
“Finally, they have to fit each other’s games, playing styles.”
Binigyang-diin ni Reyes na para sa kanya, mas mahalaga ang makasabay sa sistema ng koponan ang isang player kaysa sa nakatuon lang sa talento.
Ito ang kailangan nila para talunin ang Dominican Republic, Angola at Italy – ang tatlong koponan na kanilang pinagsamahan sa World Cup.
“We are looking for fit more than anything else, because we feel that is what is going to give us the best chance to pull off a couple of victories,” saad ni Reyes.
Umaasa si Reyes na ang kanilang friendly games laban sa Ivory Coast sa Agosto 18, Montenegro sa Agosto 20, at Mexico sa Agosto 21 ay tamang pagkakataon para sila ay pumili ng nararapat na players na bubuo ng Gilas Final 12.
“We have until August 23rd. Managers will have a technical meeting to submit the final 12,” dagdag pa niya.