(Ang Bench employees [clockwise] na sina Tomasino Lucban, Dolores Oledan, at Mark Sampang ng Prime Team, at ang ilang dekada nang Suyen Corporation designers na sina Joselito Cura, John Ararao, at Josi Balbona)
Bilang sorpresa sa ika-35 anibersaryo ng pinakamalaking local clothing brand sa bansa na BENCH, nag-produce ang SARTiNE digital advertising agency ng isang dokumentaryo para ipagdiwang, hindi lamang ang tagumpay nito bilang isang brand, kundi upang ipakita ang katangi-tanging vision at mission ng kumpanyang itinayo ni Ben Chan para sa mga Pilipino.
Sumentro ang docu sa nakaka-inspire na kuwento ng mga simple pero pursigidong tao sa likod ng brand, ang mga designers at store crew na maraming taon nang kaagapay ni Chan sa pagpapalago sa kumpanyang gawang Pinoy at tatak Pinoy para sa mga Pinoy.
Sa sarili nilang kuwento, ibinahagi ng mga empleyado kung sino si Chan para sa kanila at kung paanong nabago ng BENCH ang kanilang mga buhay.
Ang dokumentaryo, na narrated ng beteranong aktor na si Soliman Cruz, ay umere nang live sa Facebook pages ng Pilipinas Today nitong Sabado, Agosto 26, 10:00 ng umaga at 8:00 ng gabi.
Isang munting pangarap
Nagsimula ang BENCH na isang maliit na t-shirt store sa Harrison Plaza sa Pasay City, bilang Suyen Corporation, parent firm ng BENCH, na ang tanging pangarap ay mabihisan nang maganda ang bawat Pilipino.
Ngayon, ang munting tindahan ng RTW (ready-to-wear) goods na nagsimula sa maliit na mall ay isa nang multi-bilyon pisong kumpanya na may mahigit 600 retail stores sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at may mga outlets na rin sa United States, Middle East, at China.
Dito, nakamit ng BENCH ang vision nitong makilala bilang “world brand among the best world brands.”
Sabi nga ng mismong BENCH founder at executive creative director na si si Ben Chan: “When we create, we inspire. When we make, we innovate. When we lead, we serve.”
Subalit ang mas pinakatumatak sa kuwento ng brand ni Chan ay ang pagtataguyod nito sa kanyang mga empleyado, na itinuturing niya bilang sariling pamilya.
Pantay-pantay na oportunidad
Buong-pusong tinatanggap ng BENCH bilang mga regular na empleyado ang persons with disabilities (PWDs) at senior citizens simula 1999.
Kuwento ni Tomasino Lucban, ang unang miyembro ng tinaguriang Prime Team ng BENCH, sa paglilingkod niya sa kumpanya simula 1999 hanggang 2020, nakabili na raw siya ng kapirasong lupa at naipagpatayo ng munting tirahan ang kanyang kapatid.
Unti-unti ring nakumpleto ni Dolores Oledan, 64, ang bahay na ipinagawa ng kanyang pamilya sa tulong ng kinita niya sa BENCH sa loob ng 21 taon.
Dahil sa pagsusulong ng BENCH ng inclusivity, napakaraming in-house designers, product managers, at merchandisers ang nabigyan ng malaking break sa BENCH, dahil sa kabutihan ng puso ni Chan—na sariling ideya ang magkaroon ng Prime Team sa kumpanya.
Pero, mas nakaaantig ang kuwento ni Mark Sampang, na ang pagtatrabaho sa BENCH, sa kabila ng kanyang kapansanan sa pagsasalita at pandinig, ay nagbigay-daan para matulungan niya ang kanyang pamilya.
Kamakailan lang, bilang pagpapakita ng pagpapahalaga at pasasalamat sa mga empleyado, ipinasyal ng BENCH ang 475 tauhan nito sa Hong Kong Disneyland, isang tradisyon na ginagawa ni Chan tuwing may importanteng milestone ang kumpanya simula 2012.
“Ang laki ng incentives na ginugol niya para sa mga empleyado,” pagbabalik-tanaw ni Lucban.
“Siya siguro ‘yung kumpanya na napakabait sa mga empleyado, napakagaling mag-handle sa mga empleyado. Biruin mo, sa dami ng mga empleyado, isa kami sa mga empleyado niya na napili para i-trip to Hong Kong? Eh, magkano per head nun, ‘di ba?” dagdag pa niya.
Trendsetter, Innovator
Isang trendsetter at innovative brand ang BENCH ni Ben Chan.
Ayon nga sa mga miyembro ng creative team na sina John Ararao (brand design manager), Josi Balbona (brand visual manager), at Joselito Cura (head of creatives), sa BENCH nila naranasan ang makapaglakbay sa buong mundo upang maiangat ang kanilang kaalaman sa larangan ng fashion at design.
“I stayed in BENCH for 29 years kasi, when I got there, nakita ko ‘yong passion noong [creative] team,” ani Ararao, tinawag si Chan na “visionary when it comes to art and fashion.”
“Pero, nakita ko ‘yong drive niya, na turuan kami, doon sa mga ideas sa BENCH noon. I started as a graphic artist,” kuwento pa ni Ararao.
Dahil dito, kahit lumipas na ang mahigit tatlo at kalahating dekada, nananatiling sikat at pinagkakatiwalaan ang BENCH, hindi lamang sa mga RTW apparels nito, kundi maging sa pabango at iba pang accessories na gawang Pinoy subalit pang-global ang appeal.
Katunayan, nagawa rin ng BENCH na makuha ang suporta ng dayuhang merkado at maisama sa roster ng endorsers nito ang ilang international celebrities tulad nina Jerry Yan ng F4, Nicole Scherzinger, Michael Trevino, Bruno Mars, Lee Min Ho, at marami pang iba.
Patuloy na lumalawak ang pamilya ng BENCH endorsers, na kinabibilangan ngayon nina Janine Gutierrez, Gabbi Garcia, at Maine Mendoza.
Isa pa sa katangi-tangi sa pagkatao ni Chan ay ang marunong itong magpahalaga at pumuri sa talento ng kanyang mga empleyado.
“One thing that lifts the morale of an artist is to appreciate their artwork. Kapag kasi nagandahan si Sir, sinasabi niyang maganda,” sabi naman ni Cura.
‘Face and future’ ng Pinoy fashion
Sa pagwawakas ng documentary video, ipinakita ang una, iconic, at award-winning (Best Cinematography, 12th Advertising Congress sa Araw Awards 1991) TV ad ng BENCH, tampok ang noon ay baguhang aktor pa lang na si Richard Gomez habang sumasagwan ng bangka sa kalagitnaan ng payapang dagat, suot ang white sando na natatatakan ng kauna-unahang BENCH logo.
Hanggang ngayon ay nananatiling brand ambassador ng BENCH si Gomez, sa marahil ay pinakamatagal nang pag-eendorso ng isang personalidad sa isang brand: 35 taon.
Sa walang tigil na pagsikat ng BENCH, hindi malayong ang brand na ito ni Chan ang kilalaning “face” at “future” ng mga fashionistang Pinoy.
Happy 35th anniversary, BENCH at congratulations, Mr. Ben Chan!