Ipatutupad na sa susunod na buwan ang bagong protocol sa mga Pilipinong na magtutungo sa ibang bansa, kaugnay ng mga dokumentong dapat nilang iprisinta sa airport authorities bago sumakay ng eroplano.
Ito ay para maiwasan na rin ang aberya bago ang kanilang departure sa paliparan.
Ayon sa Inter-agency Council Against Human Trafficking (IACAT), ipatutupad ang bagong proseso sa pagsusuri ng mga dokumento bunsod na rin ng mga kaso ng Pilipinong hindi nakaalis dahil sa “kakatwang” requirements na hinihingi sa Immigration, gaya ng yearbook o graduation photo.
“The evolving profile of human trafficking victims is increasingly characterized by individuals assuming the guise of tourists, ostensibly possessing the means to embark on international travel. In truth, however, these individuals harbor aspirations of overseas employment,” anang IACAT sa pahayag nito noong Martes, Agosto 22.
“It is of paramount importance to emphasize that the Revised Guidelines have been formulated not to encroach upon the fundamental right to travel but to serve as a protective bulwark shielding our fellow citizens from the dire perils of human trafficking. IACAT ardently anticipates that the enforcement of these meticulously refined Guidelines, complemented by an enhanced regime of information dissemination, will effectuate a palpable reduction, if not outright elimination, of human trafficking incidents,” ayon pa sa ahensiya.
Sa bagong panuntunan, tanging ang pasaporte na valid sa anim na buwan bago ang departure, visa (kung kailangan ng bansang pupuntahan), boarding pass, at confirmed return or roundtrip ticket kung kinakailangan ang dapat na hingin ng Immigration Officer sa papaalis na pasahero.
Gayunman, para sa turistang sariling gastos ang pamamasyal sa abroad, dapat na magpakita ng pruweba ng “financial capacity” o “proof of income,” bukod sa ticket at hotel booking ang pasahero para matiyak na hindi sila pupunta sa ibang bansa na may balak na maghanapbuhay.
Para naman sa sponsored ng mga kamag-anak abroad na may first civil degree (magulang, kapatid, o asawa) dapat na magpakita ang pasahero ng orihinal na birth o marriage certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pasahero, kasama na ang papeles ng sponsor gaya ng valid passport, work visa at Overseas Employment Certificate (OEC).
Sa kabilang banda, kung ang kamag-anak na nag-sponsor sa naturang paglalakbay ay malayong kamag-anak (fourth degree of consanguinity), o kaya naman ay hindi naman talagang kamag-anak (non-relative) o isang legal/juridical entity, kailangang magpakita ang pasahero ng notaryadong affidavit of support and guarantee. Dapat nakalagay sa affidavit ang sinumpaang pahayag ng sponsor na ang pagpunta sa abroad ay “solely for tourism purposes” at siguradong babalik sa Pilipinas ang paalis na pasahero.
May nakalaan ding panuntunan sa pagsusuri ng dokumento ng mga bata, overseas Filipino workers (OFWs), minors subject for adoption, scholars at iba pa, ang bagong IACAT guidelines.
Photo: Screen grab from IACAT/Facebook
[…] Agosto 22 nang ilabas ng dalawang ahensiya ang kopya ng bagong patakaran na nagtatakda ng kinakailangang mga dokumento para makaalis ng bansa, at nakatakda sanang ipatupad ngayong Setyembre. […]