Pinaalalahanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ngayong Biyernes, Disyembre 27, ang operator at driver ng mga pampublikong sasakyan na tanging mga content na may “G” (General Patronage) at “PG” (Parental Guidance) rating lamang ang pinapayagang ipalabas sa kanilang sasakyan.
Inihayag ito ng MTRCB sa gitna ng inaasahang paglalakbay ng mga Pinoy na nagdiwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon sa mga lalawigan.
Inihayag nito na ang mga pelikulang itinatampok sa mga PUV ay dapat na angkop para sa lahat ng manonood, lalo na sa mga bata, dahil ang MTRCB Memorandum Circular No. 09-2011 ay nag-uuri sa mga karaniwang public utility vehicles (PUVs) bilang “movie theaters” para sa regulatory purposes.
Ang Chapter 3, Section 1-3 ng circular ay nagsasaad na ang public vehicles na nagpapakita ng mga pelikula ay kinakailangang sumunod sa parehong mga regulasyon gaya ng mga sinehan.
“Our commitment is to ensure that the content shown in PUVs is safe for all passengers, especially children traveling with their families. This is part of our larger responsibility to provide a safe, secure and enjoyable travel experience for everyone,” sabi ni MTRCB chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio.