Ipinag-utos ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa Maritime Industry Authority (MARINA) ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa Aleson Shipping Lines, ang kumpanya na nagmamay-ari ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3.
“Inutusan po natin ang MARINA na magsampa ng kasong administratibo laban sa Aleson Shipping Lines to determine whether or not to revoke their Certificate of Public Convenience o ‘yung prangkisa nila,” ayon kay Lopez.
Ayon kay Lopez, kabilang din sa kakasuhan ang mga tripulante ng barko at ipinag-utos na rin ang pagsuspinde sa kanilang mga dokumento, kabilang ang seaman’s ID.
“Kasama rin po rito ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa kanilang mga tripulante ng MV Trisha Kerstin 3 at pinasusupinde na rin po natin ang kanilang mga seaman’s ID document,” saad pa ni Lopez.
Samantala, inihayag din ng ahensya na kabilang sa mga posibleng dahilan ng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 ang overcapacity at overloading ng barko.
Ulat ni Brit Cezar
