Ipinag-utos ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) na suspendihin ang pagkumpiska ng driver’s license ng mga motoristang nahuling lumabag sa batas trapiko.
Sa isang memorandum na inilabas ngayong Biyernes, Enero 9, inatasan ni Lopez ang LTO na suspendihin ang pagkukumpiska ng traffic enforcers ng lisensiya ng mga nahuling driver upang bigyang daan ang pagrerebisa sa lahat ng proseso na may kinalaman sa pag-iisyu ng traffic violation ticket.
Ito ay kasunod ng mainit na talakayan tungkol sa paghuli ng traffic enforcer sa anak ng social media personality na si James Deakin dahil sa paglabag sa double yellow lane policy sa Skyway Stage 3 noong Disyembre 18, 2025.
Kinuwestiyon ni Deakin ang pag-cite sa kanyang anak ng Skyway traffic personnel ng “reckless driving” dahil hindi umano ito nakasaad sa traffic laws. Iginiit naman ni LTO chief Markus Lacanilao na ang ginawang pagsingit ng nakababatang Deakin sa mga kotseng nakapila sa Quezon Avenue exit ng Skyway ay mapanganib sa ibang motorista kaya ito ay maituturing na “reckless driving.”
Hindi rin nagustuhan ni James ang pagpataw ng one-month suspension sa lisensiya ng kanyang anak dahil hindi nito natubos ang kanyang lisensiya sa loob ng 15-day prescribed period bunsod ng sunud-sunod na holiday break noong Christmas season.
Dahil dito, ipinag-utos din ni Lopez na amiyendahan ang patakaran sa pagtubos ng lisensiya, mula sa 15 calendar days ay gawin na itong 15 working days upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga motorista na maresolba ang kanilang kaso sa LTO.
“Ibig sabihin po nito, hindi kasama ‘yung mga holiday at long weekend sa bilang ng araw kapag magse-settle ng violation ‘yung driver,” sabi ni Lopez.
