Pinaslang ng mga pulis si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte dahil sa malaking pabuya na ibinigay ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pumapatay ng drug suspect sa ilalim ng war on drugs campaign ni Digong, ayon kay Antipolo City Rep. Romeo Acop sa pagdinig ng House Quad Committee nitong nakaraang Biyernes, Oktubre 11.

“Iyong puzzle po ninyo, kaya nag-apply sila ng search warrant para makapasok at mapatay nila iyong tao. May reward iyong patay, eh. Iyong buhay, wala, eh,” paliwanag ni Acop.

Inilahad ni Acop ang kanyang opinyon sa pagtatanong nito kay dating Police Col. Marvin Marcos, ang hepe ng Region 8 Criminal Investigation and Detention Group (CIDG), at sa mga kasama nito sa pagdinig ng Quad Committee kamakailan.

Si Espinosa ay pinatay habang nakakulong sa loob ng sub-provincial jail ng Baybay City noong Nobyembre 2016, na pinalalabas na isang engkwentro habang isinisilbi ang isang search warrant.

Ang alkalde, na isa sa maraming lokal na opisyal na iniuugnay ni Duterte sa ilegal na droga, ay una ng nakulong nang mahulihan ng ilegal na droga.

Sa panahon ng pagpatay kay Espinosa, si Jovie Espenido, na ngayon ay paretiro na, ay isa sa mga paboritong tauhan ni Duterte sa giyera laban sa droga, ang hepe ng pulisya ng bayan ng Albuera.

Sinabi ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na ang pabuya sa mga pulis na nakapapatay ng mga drug personalities ay nasa P20,000 hanggang P1 milyon, depende kung gaano ka prominente ang kanilang target.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *