Sunod-sunod ang mga pagpupulong ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa iba’t ibang ahensiya at organisasyon upang mapabuti sa paglalatag ng mga inisyatibo at programa na makatutulong sa ikaaangat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ngayong linggo, nakipagpulong si Angara kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa upang pag-usapan ang paglalatag ng mga interventions sa mga batang Pilipino kabilang ang Okay ang Kalusugan sa DepEd-DOH Healthy Learning Institutions (OKD-HLI), na tinutugunan ang mga hamong kinahaharap sa kalusugan ng kabataan, at pagtitiyak sa pagtuturo ng kalinisan at pangangalaga sa pangkalahatang kalusugan.

Nakipag-ugnayan din si Angara sa Canva Philippines upang talakayin ang mga programa sa ilalim ng Canva for Education Partnership with DepEd upang bigyan ang mga paaralan, estudyante, at mga guro ng isang libreng plataporma na tumututok sa visual communications at collaborations sa pag-aaral.

Nagsagawa rin ang kalihim ng pagpupulong, katuwang ang The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) Foundation Inc., para sa pagpapalakas ng election education at mga inisyatibo sa values formation ng kabataang estudyante, at mapaunlad ang mga mabuting kaugalian ng pagiging Magalang, Matapat, Masipag, Matulungin, Makabayan, at Mapanuri.

Bumisita rin ang World Bank Philippines sa tanggapan ni Angara upang pag-usapan ang pagtututok sa digitalization sa mga paaralan at pagpapahusay ng early childhood development sa mga programa ng DepEd para sa mga batang Pilipino.

Sa pagtitiyak sa employability ng mga estudyante at oportunidad sa upskilling ng mga teachers sa bansa, nakipag-ugnayan si Angara sa mga kinatawan ng LinkedIn Corporation upang matiyak ang hangarin at adhikain ng DepEd.

Para sa karagdagang learner wellness at paglalatag ng inisyatibo ng DepEd, nakipagpulong din si Angara kay United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, kung saan tinalakay din ang posibilidad sa internet connectivity project na Better Access and Connectivity (BEACON) sa mga eskuwelahan.