Walang umiiral na polisiya sa bansa na nagpapahintulot sa “mass promotion” o ang nakagawiang pagpasa sa mga mag-aaral kahit hindi pa sila kuwalipikado para sa susunod na baitang, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon sa DepEd, hindi totoo ang mga diumano’y polisiya tungkol sa talamak na “mass promotion” sa sistema ng edukasyon sa bansa, at iginiit na ang suliraning ito ay isa sa mga kasalukuyan nang tinutugunan ng ahensya.

Kasabay nito, inilunsad ng DepEd ang National Education and Workforce Development Plan (NATPLAN) 2026–2035, na may layuning paigtingin ang mga remediation programs para matiyak na ang bawat mag-aaral ay tunay na kuwalipikado, sa halip na umasa lamang sa tradisyon ng promosyon.

Gayundin, isa rin sa mga pangunahing target ng NATPLAN ay matiyak ang “functional literacy” ng mga kabataan, kung saan kailangang marunong na at bihasa sa pagbabasa ang bawat mag-aaral pagsapit nila sa Grade 3.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome