Nakaalerto na ang Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group (DEG) laban sa posibleng pagpasok sa bansa ng malaking bulto ng ilegal na droga para pondohan ang ilang personalidad na tatakbo sa May 2025 elections.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Crame ngayong Biyernes, Agosto 30, sinabi ni PNP Drug Enforcement Group (DEG) Director Brig. Gen. Eleazar Mata na may natanggap silang intelligence information tungkol sa mga papasok na shabu sa bansa habang papalapit ang May 2025 mid-term elections.

Ang kikitain ng mga sindikato sa pagpuslit ng shabu sa bansa ay gagamiting pondo ng ilang mga pulitiko sa kanilang pagtakbo sa susunod na halalan, ayon pa sa opisyal.

Sa kabila nito, sinabi ni Mata na mayroong silang listahan ng mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa illegal drugs subalit ang naturang impormasyon ay bineberipika pa rin ng kanyang tanggapan.

Aniya, posibleng gumamit ng iba’t ibang ‘innovative methods’ ang mga drug syndicate para maipuslit ang shabu sa bansa na kanilang tinututukan sa kasalukuyan.