Naging consistent ang pagsagot ng “hindi ko po alam” ni Ronalyn Baterna, na sinasabing corporate secretary ng Lucky South 99, nang tanungin siya ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante hinggil sa pagkakilanlan ng mga may-ari ng kanilang kumpanya na sinalakay ng mga awtoridad kamakailan.
“Hindi ko po alam kasi hindi po ako ang nagpe-prepare ng mga papeles,” sabi ni Baterna, corporate secretary ng Lucky South 99.
Humarap si Baterna sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety at Committee on Games and Amusement ngayong Miyerkules, Agosto 7.
Napanganga na lang si Abante nang sabihin ni Baterna na hindi niya alam kung sino ang chairman at presidente ng Lucky South 99 na isang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac na ni-raid ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) dahil sa mga ilegal na aktibidad na nagaganap sa pasilidad.
“Corporate secretary ka, ikaw ang tagalista ng lahat, ikaw ang nagre-record ng lahat pero hindi mo alam ang pangulo ng korporasyon,” giit ni Abante.
Sinabi ni Baterna na hindi rin niya alam kung sinu-sino ang mga Chinese at Filipino incorporators ng naturang kumpanya sa kabila nang kanyang pagiging empleyado ng Luck South 99 sa nakalipas na limang taon.
“Mister Chair, sina-submit ko sa komiteng ito ang testimony ni Ms. Baterna na siya po ay ginamit at na-pressure kahit hindi niya inaamin,” ani Abante.