(Photo courtesy by NLEX corporation)
Libu-libong sand bags ang pinadala na sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX), partikular sa lugar sa San Simon, Pampanga, upang mabawasan ang pagbaha doon at maibsan ang matinding traffic na binubuno ng mga motorista nitong mga nakaraang araw..
Sa panayam sa DZBB, sinabi ni Robin Ignacio, traffic manager ng NLEX, na doble-kayod ang mga NLEX road maintenance teams sa paglalagay ng sand bags na magsisilbing harang sa umapaw na baha sa magkabilang gilid ng tollway.
Ito ay bilang tugon ng NLEX sa mga reklamo hinggil sa usad-pagong na traffic na naaranasan ng mga motorista na dumaraan sa San Simon area ng tollway.
Agad na nagtalaga rin ang NLEX ng mga traffic personnel sa mga binahang lugar upang gabayan ang mga motorista at siguruhin ang tuluy-tuloy na pagusad ng mga sasakyan.
Bukod sa sand bagging, nagtalaga rin ang NLEX ng mga firetrucks upang sipsipin ang baha sa naturang lugar.
Bagamat aminado ang NLEX authorities na hindi kayang sipsipin nang lubos ang mga fire trucks ang baha kasabay ng pagbomba nito gamit ang mga portable water pumps papunta sa gilid ng imprastraktura, target nila pansamantala ay maibaba ang lebel ng tubig upang ligtas na makadaan ang mga light vehicles.
“Ginagawa namin ang mga ito, at least, para makatulong (maibsan ang traffic sa lugar),” ayon kay Robin Ignacio, traffic manager ng NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Umabot sa walong kilometro ang mabigat na traffic sa northbound lane habang nasa dalawang kilometro ang tumukod na traffic sa southbound patungong San Simon area kaninang umaga.