(Photo courtesy by PTV)
Umabot na sa 108 lugar sa anim na rehiyon sa Luzon ang isinailalim sa State of Calamity dahil sa pagbaha na dulot ng Super Typhoon ‘Egay’ at Habagat.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, inalagay na sa State of Calamity ang ilang munisipalidad at siyudad sa rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Kahit pa nakalabas na ng bansa ang bagyong ‘Egay’, umabot pa rin sa 2,452,738 katao o 668,974 pamilya sa 4,164 barangay ang naapektuhan nito. Samantala, nasa 50,467 katao o 13,718 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa loob ng 736 evacuation centers habang nasa 262,008 katao o 63,086 pamilya ang nasa bahay dahil mas piniling manirahan sa mga kaanak.
Nanatili naman sa 25 ang bilang ng nasawi, 13 ang nawawala at mahigit 50 ang sugatan.
Sa tala ng NDRRMC, umabot na sa P3,510,282,156 ang halaga ng pinsala sa infrastructure habang nasa P1,965,320,443 ang pinsala sa agrikultura.
Nasa 41,591 kabahayan naman ang nasira ng bagyong ‘Egay’ at Habagat kung saan 39,958 sa mga ito ay partially damaged at 1,633 ang totally damaged.
Iniulat din ng NDRRMC na nasa 70 kalsada , tatlong tulay ang nanatiling hindi madaanan dahil nasira o lubog pa rin sa tubig baha.
Nagkaroon din ng power interruption sa 108 lungsod at munisipalidad , dalawa ang nagkaproblema sa supply ng tubig at walo ang nagkaroon ng aberya sa komunikasyon.
Sa ngayon, umabot na sa P153,900,517.83 halaga ng tulong ang naibigay ng gobyerno sa mga apektadong pamilya
—Baronesa Reyes