Kinuwestiyon ni Northern Samar First District Rep. Paul Daza ang higit P8 bilyon pondong hindi nagamit ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Huwebes, Agosto 8.
Ayon kay Daza, ang P8 bilyon na pondong naipon mula 2019 hanggang 2022 ay maaari sanang magamit sa mga kritikal na programa ng ahensya, kabilang na ang pagpapataas ng bilang ng college graduate sa bansa, pagdagdag sa living allowance subsidy, at pagtulong sa mga educational institutions.
Paliwanag naman ni CHED Chairman Prospero de Vera III, ginawa umano ng ahensya ang lahat ng kanilang makakaya para pataasin ag utilization rate ng hanggang 97 porsyento noong 2022.
Binanggit din ni de Vera ang Philippine-California Advance Research Institute (PCARI) research project bilang isa sa mga dahilan ng hindi pagkakagamit ng pondo.
“Our PCARI project was winding down and the money could not be used for other purposes anymore because PCARI is a long-term project involving high-level research of universities and we had problems. The project started before my time and we ended it in 2020 or 2021,” pahayag ni de Vera.
Samantala, kinwestiyon naman ni Daza ang mataas na attrition rate noong 2022, kung saan tinatayang anim lamang sa kada 10 mag-aaral ang nakapagtatapos sa kolehiyo.
Pahayag naman ni de Vera, bumaba na aniya ito matapos ang COVID-19 pandemic.