Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lokal na pinuno ng mga lungsod at ang Department of Education (DepEd) na tiyaking hindi maaantala ang mga classroom-building projects sa bansa.

“Tiyakin natin hindi maaantala ang mga proyekto. Tiyakin natin de-kalidad ang ating maitatayo na silid-aralan. Tiyakin din natin na ang bawat sentimo na pinaghirapan ng ating mga kababayan ay gagamitin sa tama,” saad ni Pangulong Marcos.

Kasabay ito ng pormal na paglagda ng DepEd at ng mga local government units (LGUs) ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa nationwide classroom building program, bilang pagtugon sa 165,000 kakulangan sa silid-aralan.

Sa bisa ng MOA, opisyal nang ililipat sa mga LGU ang responsibilidad sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan—na dating ang Department of Public Works and Highways (DPWH) lang ang may hawak— para masiguradong mabilis na matutugunan ang kakulangan sa mga paaralan.

Magiging responsable ang mga LGU sa pagpapatayo at pagbili ng mga gamit sa silid-aralan, habang ang DepEd ang pipili ng mga paaralan at magsisigurong ligtas at de-kalidad ang mga gusali.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *