Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 4.80 milyon ang bilang ng mga trabahador sa construction industry noong Disyembre 2025, kumpara sa 5.35 milyon na naitala noong Disyembre 2024.
“It is related kasi nagkaroon ng infrastructure scandal, bumaba ‘yung activities sa public construction. Nakita natin ‘yun… so kung mababa o mahina ang activities dahil mahina ang disbursement… that is really linked to that,” saad ni PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa.
Ito ay nangangahulugan na nasa 550,000 ang nawalan ng trabaho sa naturang industriya.
Ayon kay National Statistician at PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa, bumagal din ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa ikaapat na quarter ng 2025 sa gitna ng multi-bilyong pisong flood control scam.
Aniya, may kaugnayan umano rito ang pagbabawas ng mga aktibidad sa public construction, na epekto ng flood control projects scandal.
Samantala, iniuugnay din ni National Union of Building and Construction Workers (NUBCW) Secretary General Santiago Nolla ang kawalan ng trabaho sa construction sector sa mga natigil o hindi natuloy na proyekto dahil kinansela umano ang permits ng mga ito habang iniimbestigahan pa ang usapin.
“Marami akong contractor na involved sa flood control ang huminto sa trabaho dahil tinanggalan sila ng lisensya para mag-operate. Dahil dun, sabihin na lang natin, 15 ang identified na contractors, ang 15 na ‘yun ay may manggagawang involved diyan,”paliwanag ni Nolla.
Ulat ni Jilliane Libunao
