Upang lalong bigyang-pugay ang tagumpay ng mga atletang Pilipino sa Olympic Games, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na pinag-aaralan ng mga kongresista ang posibilidad na dagdagan ang mga benepisyong ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga nagkakamit ng medalya sa Olympics, kabilang ang pagbibigay sa kanila ng lifetime monthly pension sa kanilang pagreretiro.
“Ang karangalang hatid nina Carlos Yulo, Hidilyn Diaz at ng ating mga Olympians para sa ating bansa at sa sambayanang Pilipino ay hindi natin kailanman masusuklian, pero maaari nating kilalanin ang kanilang tagumpay sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo mula sa pamahalaan,” sabi ni Romualdez.
“Isa na po dito ang pagbibigay ng lifetime pension sa lahat ng Filipino Olympic gold, silver at bronze medalists na nagdala ng karangalan sa ating bansa. Magsisimula ito sa edad na 40, o sa kanilang pagreretiro mula sa sports,” dagdag niya, kasabay ng pahayag na plano ng Kamara na amyendahan ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act (Republic 10699).
Ayon sa House leader, layunin nitong tiyakin na magkakaroon ng maginhawang buhay ang mga Pinoy Olympians kahit pa magretiro na sila sa sports kung saan sila namayagpag sa kahusayan noong kanilang kabataan.
“Sa pamamagitan ng hakbang na ito, nais nating bigyan ng katiyakan ang kanilang kinabukasan bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at tagumpay para sa bansa. The recognition doesn’t stop when they win medals, it will continue for the rest of their lives,” paliwanag pa ni Speaker Romualdez.
Nitong weekend, nasungkit ng Pinoy gymnast na si Yulo ang dalawang gintong medalya sa Paris Olympics 2024, ang ikalawa at ikatlong Olympic gold medals ng Pilipinas, na ang una ay napanalunan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics noong Hulyo 2021.
(With translations @Floridel Plano )