Ibinunyag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang panukalang P2.037-billion budget na hiniling ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte para sa 2025 ay mas mataas ng 8% sa budget ng OVP ngayong taon.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang P188.5 milyon ng P2.037 bilyon na hiling ng Office of the Vice President (OVP) ay ilalaan sa personal services; P1.79 bilyon ang para sa maintenance and other operating expenses, at P56 milyon para sa capital outlay.
Pero ayon kay Pangandaman, hindi humingi ng confidential o intelligence funds (CIF) si Duterte.
“Sa CIF po, wala pong CIF ang Office of the Vice President. I think, hindi rin po siya nag-request ng CIF,” ani Pangandaman.
Matatandaang noong nakaraang taon, tinanggihan ng Kamara de Representantes ang kabuuang P650 milyon halaga ng CIF na hiniling ni Duterte para sa mga pinamumunuan niyang OVP at Department of Education (DepEd).
Ikinatwirang hindi dapat na pinagkakalooban ng CIF ang isang civilian agency na tulad ng OVP at DepEd, inilaan ng Kamara ang CIF na hiling ni Duterte sa mga ahensiyang nagpoprotekta sa West Philippine Sea, gaya ng Department of National Defense (DND), kung saan nakapaloob ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Makalipas ang isang buwan, pormal na binawi ng OVP ang paghingi ng P650-milyon CIF, sa gitna na rin ng kontrobersiyang nalikha ng paglilipat ng Office of the President ng P125 milyon sa tanggapan ni Duterte noong 2022, na kinumpirma ng Commission on Audit (COA) na ginastos ng OVP sa loob lang ng 11 araw.
Idinulog at nakabimbin pa sa Korte Suprema ang usaping ito matapos kuwestiyunin sa magkahiwalay na petisyon ng dalawang grupo.