Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱253.3 bilyon mula sa kabuuang ₱6.352-trillion proposed 2025 national budget para sa iba’t ibang social assistance at cash aid program para matulungan ang mga mahihirap at vulnerable sectors sa bansa.
“Under NEP (National Expenditure Program) 2025, a total of P253.3 billion is allocated for ‘ayuda,’” pahayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Sinabi ng DBM chief na ang bulto o ₱114.1 bilyon ng budget allocation para sa mga aid program ay ilalaan para sa flagship Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang panukalang 4Ps budget para sa 2025 ay 7.4 porsiyentong mas mataas kumpara sa ₱106.3-bilyon na inilaan sa national budget sa taong ito.
Makakatanggap din ang DSWD ng isa pang ₱49.8 bilyon para sa programa nitong Social Pension for Indigent Senior Citizens, kung saan ang mga mahihirap na senior citizen ay tumatanggap ng buwanang allowance na ₱1,000.