Inianunsiyo ng Department of Tourism (DOT), katuwang ang Department of Health (DOH) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang pagpapatayo ng Tourist First Aid Facilities matapos lagdaan ang isang memorandum of understanding (MOU) nitong Lunes, Hulyo 29, ng mga stakeholders sa Makati City.
Layon ng mga itatayong pasilidad na itaas ang safety standards ng iba’t ibang tourist destinations sa bansa, kabilang ang La Union, Boracay, Siargao, Panglao, Palawan, at Puerto Galera.
Unang nagkaroon ng talakayan para sa pagpapagawa ng first aid facilities noong Abril 29, nang mag-post sa X (dating Twitter) si Health Secretary Teodoro Herbosa Jr. ng mga litrato kasama si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco at iba pa, na mayroong caption na “Tourist First Aid Facilities discussed with DOT sec Frasco and Team.”
Tinatayang aabot sa P9.5 milyon ang halaga para sa pagpapatayo ng bawat first aid facility, na magsisilbi bilang emergency response centers para sa mga turista.
Layunin ng proyektong ito na magkaroon ang bawat pasilidad ng mga well-trained healthcare professionals.
Target din ang pagkakaroon ng lifeguard stations at viewing deck upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod, na isa sa mga sanhi ng pagkamatay ng mga turista noong nakaraang taon, partikular noong Semana Santa 2023, kung saan 72 ang naiulat na nasawi, ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP).
Bukod sa main facility, magkakaroon din ng mga solar-powered First Aid Booths sa mga coastline at beach front areas na magiging kumpleto sa first aid supplies, automated external defibrillator (AEDs), CCTV camera, at iba pang mga kagamitan na pang-emergency. Wala mang medical personnel na nakatao mismo sa booth ay mayroon naman itong two-way communication system na nakakonekta sa command center para sa emergency calls.
Ayon kay Frasco, prayoridad ng DOT ang kaligtasan ng mga turista.
“With tourism now contributing 8.6% to GDP, bringing in P3.6 trillion visitor receipts, and employing over 6.21 million Filipinos, investing in tourist convenience and safety is an absolute must,” pahayag ni Frasco.
Bukod kay Frasco, ang pirmahan ng kasunduan ay dinaluhan ng mga signatory na sina Herbosa at TIEZA Assistant COO Atty. Joy Bulauitan na humalili kay TIEZA COO Mark Lapid. Dumalo rin sa okasyon sina Tourism Assistant Secretary Judilyn Quiachon, TIEZA ACOO Atty. Karen Mae Sarinas-Baydo, at Health Undersecretary Dr. Elmer Punzalan.
Ang proyektong ito ay isa sa mga flagship project ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Ulat ni John Carlo Caoile