Bilang tugon sa patuloy na apela ni House Speaker Martin Romualdez, inianunsiyo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ang hemodialysis package rate nito ay itinaas sa P6,350 kada session mula sa dating P4,000, dahil sasagutin na rin ng korporasyon ang mga gamot na ginagamit ng pasyente sa dialysis session.

“Ito [mas mataas na dialysis package rate] ang parating idinudulog sa aking tanggapan ng mga dialysis patients, na kung puwede raw sagutin na rin ng PhilHealth ang mga gamot na ginagamit sa bawat session nila… Malaking tulong ito, lalo na sa mga kababayan nating mahihirap na may chronic kidney disease. Wala na silang gagastusin talaga,” ani Romualdez.

Mabilis ang positibong tugon nina PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. at Health Secretary Ted Herbosa sa nabanggit na panawagan ni Romualdez, na idinaan ng House leader kay Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo.

Hunyo 2024 nang unang itinaas ng PhilHealth—sa pakiusap pa rin ni Romualdez—ang dialysis package rate nito sa P4,000 mula sa P2,600 sa layuning maibsan ang gastusin ng mga pasyente.

Sa parehong buwan, pinangunahan din ni Romualdez ang simula ng pagpapatayo ng Mega Hemodialysis Legacy Building, isang 13-story facility sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City na magbibigay ng libreng dialysis patients sa mga Pilipino.

Ayon sa records ng Department of Health (DOH), mahigit isang milyong Pilipino ang may kidney disease at 80 porsiyento sa kanila ang sumasailalim sa dialysis.