Inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang Anti-Online Hate and Harassment Bill, na mas kilala bilang “Emman Atienza Bill,” upang masugpo ang pagpapakalat ng fake news, at matuldukan ang mga insidente ng cyberbullying at online defamation na sumisira ng buhay ng mga kabataan.
“We hope Emman’s passing will not be in vain as we push for the immediate passage of this measure. We need to bring back kindness online, where people pause and think before they post,” pahayag ni Sen. JV.
Ito ay matapos ang sinapit ni Emmanuel “Emman” Atienza, anak ni TV personality Kim Atienza, na tinuldukan ang sariling buhay habang nasa Los Angeles, California noong Oktubre 22 kasunod ng matinding pamba-bash na inabot mula sa mga netizen kaugnay sa kanyang mga social media advocacy.
Ayon kay Sen. JV, target ng panukala na palawigin ang saklaw ng Cybercrime Prevention Act at Anti-Bullying Act sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa cyberlibel, hate speech, cyberstalking, at pages-share ng pribadong impormasyon na walang pahintulot ng isang indibidwal.
Sa kanyang proposed bill, oobligahin ang mga digital platform na burahin ang mga harmful content sa loob ng 24 oras matapos makatanggap ng beripikadong reklamo o kautusan sa korte. May karampatang multa na ipapataw sa mga social media platform na mabibigong tumugon sa naturang panukala sakaling ito ay maisabatas na.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag ng Victim Support and Protection Program upang magkaloob ng legal assistance, psychosocial counseling, at kaukulang proteksiyon ang iba’t ibang ahensiya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Justice (DOJ), at Department of Health (DOH) sa mga biktima ng cyberbullying.
Ang mga lalabag ay posibleng pagmultahin mula P50,000 hanggang P200,000 na may katapat na parusang pagkakakulong, habang ang mga menor ay isasailalim sa counseling at programang edukasyon.
