Ipinatupad na ng Department of Health (DOH) ang zero balance billing sa mga pampublikong pagamutan, na maaari ring palawigin sa mga pribadong ospital, para sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.

“Di ninyo po kailangan lumapit sa desk. Bill ninyo lang po, i-zero na po ‘yan sa utos na rin ng ating Pangulo,” sabi ni Domingo.

Ayon pa kay Domingo, nauna nang ipinatupad ang naturang polisiya sa tatlong DOH hospitals na pinakamalapit sa mga apektadong lugar—Vicente Sotto Memorial Medical Center, Cebu South Medical Center, at Eversley Childs Sanitarium and General Hospital.

Pinag-aaralan din ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pagpapalawig ng programa sa mga pribadong ospital kung may sapat na pondo, habang naglabas na ng augmentation funds ang Office of the President (OP) para masuportahan ang operasyon at pagkukumpuni ng mga ospital.

Patuloy naman na imo-monitor ng DOH ang mga facilities nito at makikipag-ugnayan sa pagbibigay ng tulong upang matiyak na walang survivor ang hindi mabibigyan ng medical care.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome