Inihayag ni Speaker Martin Romualdez ngayong Lunes, Hulyo 29, na ang job creation, quality education, expanded health care, at social protection ay kabilang sa mga priyoridad ng Kamara sa paglalaan ng mga pondo sa panukalang 2025 National Budget.
Ginawa niya ang pahayag sa pormal na turnover ng ₱6.352-trillion budget na iminumungkahi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kongreso para sa susunod na taon.
“As we receive this document today, we recognize the collective responsibility bestowed upon us as legislators to scrutinize, deliberate, and ensure that every peso is judiciously allocated and spent. Patuloy naming babantayan dito sa Kongreso ang paggastos ng mga pondong ito,” sabi ni House Speaker Martin Romualdez.
“Ang badyet na ₱6.352 trilyon ay sumasalamin sa ating pangarap na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Romualdez matapos pormal na tanggapin ngayong Lunes, Hulyo 29, mula sa Department of Budget and Management (DBM), ang panukalang ₱6.352-trillion national budget para sa 2025.
Idinaos ang seremonya sa House of Representatives sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City.
“Sa 2025 national budget na ito, inaasahan namin na ibubuhos natin ang pondo para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care,” sabi ng House leader.
“Bilang inyong Speaker, ipinapangako ko ang patuloy na pagsusumikap upang matiyak na ang bawat sentimo ng badyet na ito ay mapupunta sa mga proyektong tunay na may pakinabang sa bawat Pilipino,” dagdag pa ni Romualdez.