Tubong Tagum City, Davao del Norte ang dating child actress na si Yesha Camile, na 15 years old ngayon at isa nang campus journalist na incoming Grade 10 student sa Tagum City National High School—kung saan nagsimula ang kanyang pagsabak sa campus journalism.
Taong 2020 nang tinapos ni Yesha ang kanyang era sa pagiging ‘i-Shine Talent Camp’ winner at ‘Hawak Kamay’ child star dahil sa pandemya, na sinabayan pa ng pagsasara ng ABS-CBN.
Pero sa kasalukuyan, pumili siya ng ibang larangan at unti-unti nang gumagawa ng sariling pangalan sa larangan ng pamamahayag.
Si Yesha ang itinanghal na Best TV News Presenter in Filipino Category (Secondary) sa katatapos na National Schools Press Conference (NSPC) sa Carcar, Cebu nitong Hulyo 23.
Ano ang maipapayo niya sa mga nangangarap maging campus journalist na tulad niya?
“If you want to give it a try, I say, do it! Don’t let your self-doubts stop you kasi it won’t get you anywhere. I always believe in trying kaya if you want to do something, give it a try. If it doesn’t work out, at least you gave it a try. Add it to your list of experiences,” sagot ni Yesha nang makapanayam ng ABC-CBN.
Aminado ang dalagita na sa una ay hindi niya “cup of tea,” o hindi niya interes, ang pamamahayag, pero kalaunan ay natutunan na niyang mahalin at ma-enjoy ang campus journalism.
“To be honest hindi ko talaga in-expect na gugustuhin kong maging journalist, pero ngayon na I am a campus journalist, parang maganda rin naman po siya na course para I can spread more information to people and tell them all about the different problems ng ating society and the latest news po,” sinabi ni Yesha.
Sa ngayon, sinabi ni Yesha na interesado na siyang maghanap at mag-ulat ng mga balita at nangyayari sa kanyang paligid, maging sa isyu ng pulitika sa Pilipinas.
“And as a campus journalist, gusto ko po maging inspirasyon sa generation ko and hopefully encourage a lot of people to start watching news again, para very informed po tayo sa nangyayari sa ating bansa…and not just the Philippines but the whole world as well,” pahayag ni Yesha.
Naniniwala rin si Yesha na makakatulong ang kabataan at campus journalist na tulad niya sa malawakang laban kontrasa talamak na pagkalat ng fake news.
“Dapat din po, we shouldn’t easily believe in everything that we see in the internet lalo na po ‘yung mga fake news… and I want to be a source of factual and unbiased news po,” dagdag ng dating child actress.
(Ulat ni Julian Katrina Bartolome)