Umakyat na sa 34 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng super typhoon ‘Carina’ at southwest monsoon o habagat.
Ito ay batay sa pinagasama-samang ulat ng Philippine National Police (PNP) kung saan karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod, landslides, electrocution at nabagsakan ng mga punong kahoy.
Sa tala ng PNP, 12 sa mga biktima ay mula sa Calabarzon, kabilang dito ang limang nasawi sa landslide sa Batangas, apat sa Rizal at tatlo sa Cavite. Dalawa rin ang nawawala sa Cavite at Rizal habang anim anim ang nasugatan.
Sa Metro Manila, iniulat ng National Capital Region Police Office o NCRPO na 11 ang nasawi kasama ang tatlo sa Manila, tatlo sa Quezon City at tig-isa sa Malabon, Valenzuela, San Juan , Mandaluyong at Pasay.
Walo naman ang naiulat na nasugatan sa Quezon City. Sa Central Luzon, iniulat ng Police Regional Office 3 na siyam ang nasawi kasama ang anim sa Bulacan at tatlo sa Pampanga. Dalawa ang nawawala sa Bataan at Zambales at tatlo naman ang nasugatan kabilang ang dalawa sa Bataan at isa sa Pampanga.
Ulat ni Baronesa Reyes