Agad na ipinasok sa piitan ang dalawang bagong testigo sa missing sabungero case matapos silang sunduin ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang bansa sa Southeast Asia upang maging testigo.
“Hindi po puwede natin sila ay i-hold lang. Mayroong clear violation sila sa batas,” sabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo.
Sa ginanap na press conference noong Hulyo 31, sinabi ni Fajardo na agad na inalam ng pulisya kung mayroong mga kasong kinahaharap ang magkapatid na sina Jose at Elakim Patidongan nang sunduin sila ng PNP–CIDG sa ibang bansa hanggang maibalik sa Pilipinas.
Ang dalawang bagong testigo ay kapatid ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan na nagdiin sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang personalidad sa misteryosong pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay Fajardo, unang napag-alaman ng PNP na si Jose ay nasintensiyahan na sa kasong robbery kaya’t agad itong dinala sa korte bago ikinulong.
Samantala, bagama’t wala itong kinahaharap na kasong kriminal, sinampahan naman ng illegal use of an alias si Elakim dahil sa paggamit ng pangalang “Robert Baylon” sa kanyang pasaporte habang nagtatago sa ibang bansa kasama ni Jose.
Iginiit ni Fajardo na kailangan munang matiyak na may kasong kriminal na kinahaharap ang dalawa bago sila ma-discharge bilang state witness dahil ito ay isang legal na proseso na sinusunod sa court proceedings.
Ito rin aniya ay kailangan upang makaiwas ang PNP sa kasong illegal detention sakaling balikan sila ng mga magkakapatid.
