Ibinunyag ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa House hearing nitong Hulyo 31 ang kumplikadong pagkakaugnay-ugnay ng mga Chinese nationals na sangkot umano sa ilegal na Philippine offshore gaming operators (POGO) at drug trafficking, kabilang si Michael Yang, presidential adviser sa panahon ni former president Rodrigo Duterte.
Iprinisita ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa pinag-isang pagdinig ng House Committees on Public Order and Safety at Games and Amusements ang detalyadong matrix na nag-uugnay sa ilang Chinese nationals, kasama si Michael Yang, sa bentahan ng ilegal na droga at sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
“It’s not only the criminal activities of POGOs and the corporations established by Chinese nationals, but also drugs are involved,” ani Fernandez.
Bukod kay Yang, binanggit din sa matrix ang wanted ngayon na si suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na nakipagtransaksiyon umano sa kapatid ni Yang na si Hong Jiang Yang, incorporator ng Paili State Group Corporation, sa halagang P3.3 bilyon, bagamat hindi matunton kung saan napunta ang nasabing pera.
Incorporator din ng Paili State Group Corporation si Hong Ming Yang—umano’y Chinese name ni Michael Yang—at si Rose Nono Lin, na konektado naman sa Full Win Group of Companies at isa sa mga pangunahing inimbestigahan sa Pharmally scandal bilang financier nito.
Matatandaang inakusahan noon ang Pharmally sa pagkakasangkot sa overpriced medical supplies na na-deliver nito sa gobyerno ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong kasagsagan ng pandemic.
Dating adviser ni Duterte si Michael Yang, na ipinag-utos na ng Kamara na arestuhin at ikulong dahil sa paulit-ulit na pagtangging humarap sa mga House hearing kaugnay ng pagkakasangkot niya umano sa P3.6-billion drug bust sa Mexico, Pampanga, noong nakaraang taon.
@Floridel Plano