Kalaboso ang dalawang kalalakihan na sangkot diumano sa pagnanakaw ng kable ng telepono sa kasagsagan ng bagyo sa Quezon City noong Huwebes, Hulyo 24, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kinilala ni acting PNP-CIDG Director Brig. Gen. Romeo Macapaz ang mga naarestong suspek na si alyas “Ramil” at alyas “Rose.”
Sinabi ni Macapaz na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa mga concerned residents tungkol sa talamak na nakawan ng mga kawad ng kuryente at telepono sa Barangay Culiat, dahilan upang magpadala siya ng mga operatiba sa lugar.
Noong Huwebes, Hulyo 24, dakong alas-2:30 ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng QC District Field Unit ng CIDG National Capital Region (NCR) sina Ramil at Rose.
Nabawi diumano sa dalawa ang malaking bulto ng mga kable na isinilid sa dalawang sako kung saan ay sinunog na nila at handa nang ibenta sa mga junk shop.
Ayon pa sa pulisya, aabot sa 30 kilo ang timbang ng mga nabawing kable na nagkakahalaga ng P15,000 sa mga junk shop.
Nahaharap ang dalawang suspek ng kasong pagnanakaw at paglabag sa Republic Act 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2023.
