Apat na pasaway na police officers ang kabilang sa 15 kaso ng indiscriminate firing na naitala ng Philippine National Police (PNP) simula Disyembre 1, 2025 hanggang sa pagsalubong ng Bagong Taon noong Enero 1, 2026.

Base sa datos na inilabas ng Philippine National Police (PNP) kahapon, lumitaw na dalawang insidente ng indiscriminate firing ang naitala sa Ilocos Sur at Iloilo, at tig-isang insidente sa Abra, Batangas, Benguet, Cagayan de Oro City, Catanduanes, Isabela, Manila, Negros Occidental, Pampanga, Parañaque City, at Surigao del Sur.

Sinabi pa ng PNP na anim sa mga kaso ang nangyari noong Araw ng Pasko, tatlo noong New Year’s Day, dalawa noong Disyembre 22, at tig-isa noong Disyembre 18, 19, 21, at 31.

Labing apat na indibidwal na sangkot sa ilegal na pagpapaputok ng baril noong holiday season ang naaresto habang tatlong iba pa ang pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Samantala, isang police master sergeant sa Surigao del Sur, isang police senior master sergeant sa Iloilo, isang patrolman sa Parañaque City, at isang patrolman sa Cagayan de Oro ang iniimbestigahan dahil din sa indiscriminate firing.

Tatlong police officers ang naaresto na habang ang ikaapat ay pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.