Nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, kasama ang mga kinatawan ng DBM, PRC, at CSC ngayong Biyernes, Hulyo 26, ang implementing rules and regulations (IRR) ng Expanded Career Progression System na tutugon sa matagal nang inirereklamo ng mga guro na mabagal na proseso ng promotion sa kanilang hanay.
Katuwang ni Angara sa paglagda sa IRR sina Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman, Professional Regulation Commission (PRC) Chairman Charito Zamora, at Civil Service Commissioner Ryan Alvin Acosta.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Angara na sa ilalim ng IRR, hindi na magiging “time-based” ang promosyon ng mga public school teachers dahil inaalis na nito ang natural vacancies policy sa kagawaran.
Hindi rin magiging position-based ang mga promotion, na nangangahulugan na ang mga guro ay hindi na kailangang lumipat sa ibang mga paaralan upang makakuha ng higher teaching item.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, sinabi ni Angara na ang mga guro ay magkakaroon na ng pagpipilian na “to move freely from teaching track to administrative track.”
Sa hybrid post-SONA (State of the Nation Address) forum kamakailan, sinabi ni Angara na ang hakbang ng pakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensiya ay tugon ng administrasyon sa isang long-term clamor sa sektor ng edukasyon.
Matatandaang ipinangako ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA nitong Hulyo 22 na hindi na kailangang magretiro ang mga guro bilang Teacher I dahil sa kawalan ng promotion opportunities.
@Floridel Plano