Sa pamamagitan ng isang video presentation sa pagdinig sa House Committee on Accounts, idinetalye ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang ilegal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na kanilang sinalakay sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
“POGOs have become a significant driver of transnational crimes in the nation, disrupting peace due to various criminal activities linked to them,” ayon sa PAOCC presentation sa pagdinig sa Kamara ngayong Miyerkules, Hulyo 17.
Ayon sa PAOCC, karaniwang pinagtatrabaho ang mga POGO workers mula 16 hanggang 18 oras para magsagawa ng investment scams, human trafficking, illegal online gambling, tax evasion, drug trafficking, at maging money laundering activities.
Karamihan sa mga POGO employees ay sangkot din sa “love scams” at crypto currency fraud na pinuputol ang kanilang komunikasyon sa mga biktima kapag nakakulimbat na ng pondo mula sa mga ito.
At kapag sinuway ang utos ng mga POGO operator, sinabi ng PAOCC na isinasalang ang mga ito sa torture gamit ang iba’t ibang uri ng pamalo at taser.
Kapag nagdesisyon ang isang empleyado na bumitaw sa kanilang operasyon, pinagbabayad din ito ng multa mula P150,000 hanggang P500,000, ayon pa sa ahensiya.
Ang ilan sa mga POGO workers ang naging biktima ng salvaging.