Plano ni incoming Education Secretary Sonny Angara na imungkahi sa Civil Service Commission (CSC) na magpatupad ng adjustments sa job qualifications upang mas madali na para sa mga senior high school (SHS) graduates ang matanggap sa trabaho.
“Baka meron silang (CSC) suggestion kung paano matanggal na ‘yung ganoong qualification na college graduate sa lahat ng trabaho, kasi alam naman natin na hindi lahat ng trabaho nangangailangan ng college degree,” sabi ni Angara.
Makikipagpulong din daw si Angara sa mga business groups para hikayatin ang mga ito na mag-alok ng maraming job opportunities sa mga technical-vocation (tec-voc) senior high school graduates.
Sa panayam sa DZBB ngayong Linggo, kabilang sa mga binanggit ni Angara ang Management Association of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, at ang Makati Business Club.
Ipupursige rin ni Angara na mabigyan ng accreditation ang mga SHS graduates sa ilalim ng tec-voc strand at makipag-ugnayan na rin sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) para maresolba ang kakulangan ng tec-voc trainers.
Opisyal na manunungkulan sa DepEd si Angara sa Hulyo 19, ang araw na bababa sa puwesto ang hahalinhan niyang si Vice President Sara Duterte.