Patay ang isang pinaniniwalaang gun-for-hire, na itinuturo ring responsable sa pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo, sa isang police operation noong Lunes sa Barangay Malabugas, Bayawan City.

Kinilala ang suspek na si Alex Manegos Mayagma, residente ng Barangay Minaba, Bayawan City. Ilang tama ng bala ang tinamo ni Mayagma matapos umanong manlaban nang aarestuhin, ayon sa police report.

“Matagal nang binabantayan si Mayagma nang mahigit isang buwan ngayon at may warrant ang batas para sa kanyang partisipasyon sa ilang pagpatay sa Negros Oriental,” ayon kay P/Col. Ronan Claravall, acting chief ng Negros Oriental Police Provincial Office.

Patuloy pa rin iniimbestigahan ng mga pulis ang posibleng koneksyon ni Mayagma sa mga suspek na inuugnay sa pagpaslang kay Degamo.

Sinubukan pang isugod sa Bayawan District Hospital si Mayagma pero binawian rin ito agad ng buhay.

Si Mayagma ang kabilang sa Most Wanted Personalities ng PNP-Region 7.

Unang lumutang ang pangalan ni Mayagma sa mga pagdinig sa Senado na nagimbestiga hindi lamang sa pagpaslang kay Degamo subalit maging sa iba pang insidente ng pamamaslang sa Negros Oriental.