HIndi bababa sa 25 kabahayan ang gumuho matapos na lumambot ang lupang kinatitirikan ng mga ito dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng habagat at bagyong ‘Falcon’ sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), matatagpuan sa Barangay Tambo, San Leonardo , Nueva Ecija ang mga gumuhong bahay.
Sinabi ni Zenaida Gutierrez, secretary ng Barangay Tambo, unang nakaramdam ang mga residente ng dahan-dahang pagguho dakong alas-4:00 ng madaling-araw nitong Linggo, Hulyo 30.
Aniya, umabot sa 28 pamilya o katumbas ng 108 katao ang naapektuhan ng pagguho.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasaktan sa insidente.
Pansamantalang naninirahan sa itinalagang evacuation center sa San Leonardo ang mga apektadong residente.
Matatandaang nito pang nakalipas na Linggo ay patuloy ang pagbuhos ng ulan bunga ng Super Bagyong ‘Egay’ at hanging Habagat na sinundan pa ng bagyong ‘Falcon.’
—Baronesa Reyes