Ipinahayag ni Speaker Martin Romualdez na ang “Lab for All” project sa Tacloban City na inilunsad nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ay layuning magbigay ng libreng health services para sa mga maralitang Pinoy.
“Ang proyekto pong ito ay may malalim na epekto at kahalagahan para sa ating mga kababayang Pilipino. Marami sa ating mga kababayan, lalo na sa mga malalayong lugar, ang walang sapat na access sa mga serbisyong medikal. Dahil dito, madalas na napapabayaan ang kanilang kalusugan,” pahayag ni Romualdez.
“Para sa mga ordinaryong Pilipino, ang ‘Lab for All’ caravan ay isang malaking tulong. Ito ay nagdadala ng serbisyong medikal direkta sa kanilang mga komunidad. Nagliligtas ito sa kanila mula sa pagod, gastos, at hirap ng pagpunta sa mga malalayong ospital,” wika pa ni Romualdez.
Pinuri ni Speaker Martin Romualdez nitong Huwebes, Hulyo 4, sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos sa paglulunsad ng proyektong “Lab for All” sa Tacloban City.
“Ang Lab for All caravan ay isang mahalagang inisyatibo ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng ating masipag na First Lady. Layunin ng proyektong ito na maghatid ng libreng konsultasyon, X-ray, laboratory tests, at gamot sa mga komunidad na nangangailangan,” saad ni Romualdez.
“Lubos naming pinapahalagahan ang dedikasyon at sakripisyo ng ating First Lady at ng buong team na bumubuo ng Lab for All caravan. Sa pamamagitan ng kanilang pagsusumikap, nabibigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan, lalo na ang mga senior citizens, na makakuha ng serbisyong medikal na libre at abot-kaya,” dagdag ni Romualdez.