Tatlong menor de edad na magkakapatid ang nasawi, habang sugatan naman ang dalawang iba pa matapos masunog ang kanilang bahay nitong Miyerkules, Hulyo 3, ng gabi sa bayan ng Maasin, Iloilo.

Nakilala ang mga nasawi na sina Ashley Decir, 5-anyos; Arjon, 4-anyos; at Arjen, isang taong gulang.
Isinugod naman sa pagamutan ang dalawa pa nilang kapatid na sina Rachelle Ann, 12-anyos at Arcel, 8-anyos.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-10 ng gabi sa Barangay Dalsuan sa nasabing bayan.

Napag-alaman na ang mga bata ay iniwan ng kanilang mga magulang na natutulog sa loob ng bahay upang makipaglamay sa kanilang kamag-anak sa karatig barangay.

Bago umalis ng bahay, nagsiga ang nanay ng mga bata sa ilalim ng kanilang hagdan para mabugaw ang mga lamok na siya ring pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog.

Nabatid na hindi makalakad ang dalawang biktima dahil may sakit na polio ang mga ito kaya’t na-trap sa loob ng bahay.

Ulat ni Baronesa Reyes