Nabuwag ng pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pinaghihinalaang international sex ring kasunod ng pagkaka-aresto ng pitong miyembro nito sa ikinasang operasyon ng ahensya sa Quezon City at Parañaque City.
Kabilang sa mga naaresto sina Moises S. Bognot, Jermaine E. Villanueva, Glenn Paolo P. Solijon, Darwin P. Tagalog, Lance Clifford B. Ungriano , Nighjer C. Teriote at Chinese national na si Zhang Wenyou.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag Section 9 ng RA 10364 o Expanded Anti- trafficking in Persons Act of 2012 na may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime B. Santiago, ikinasa ang operasyon kasunod ng liham na kanilang natanggap mula sa La Familia Rescue kung idinetalye ang ilegal na gawain ng grupo.
Napag-alaman na ang mga suspek ay sangkot sa human trafficking at nag-aalok ng sexual services ng mga babaeng menor de edad kapalit ang halagang P5,000 at P45,000 naman sa mga foreign nationals.
Ang unang operasyon ay isinagawa nitong June 27 sa Quezon City na nagresulta sa pagkakaaresto nina Bognot, Villanueva, Solijon, Tagalog at Ungriano at pagkakaligtas ng pitong menor de edad, tatlong Russian nationals at isang Kazakhstan national.
Ikinanta naman ng limang naaresto ang mga masterminds at nasa likod ng kanilang operasyon na sina Teorite at Wenyou.
Agad na ikinasa ng NBI ang kasunod na operasyon sa isang hotel at casino sa Parañaque City na nagresulta rin sa pagkakahuli ng dalawa.
Ayon kay Santiago, inamin nina Teorite at Wenyou na mga chinese nationals na nasa Pilipinas ang tumulong upang makapasok sa bansa ang mga Russian sex workers.
Ang mga Chinese nationals din ang nagbigay ng bahay at mga kliyente sa mga banyagang sex workers.
Ulat ni Baronesa Reyes