Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga illegal scam hubs na nag-o-operate sa bansa, ayon kay NBI officer-in-charge Director Angelito Magno.
“Tuluy-tuloy ‘yung mga naging monitor at pag-operate ng ating ahensya dito sa mga alleged scam hubs,” sabi ni Magno.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Anti-POGO Law (Republic Act No. 12312) noong Oktubre 23.
Ayon kay Magno, bahagi ng kanilang operasyon ang pagtukoy kung may mga natitira pang Philippine offshore gaming operators (POGO) sites na patagong nagpapatakbo sa ilang lungsod sa bansa.
Dagdag niya, kaugnay rin ito sa pagpapatupad ng mga batas laban sa human trafficking, dahil karamihan sa mga kasong may kinalaman sa POGO ay may elemento ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.
“Bukod sa pag-i-scam nitong mga miyembro nito, nand’yan po ang pag-aabuso sa karapatang pantao at halos masabi nating servitude na ang ginagawa nila sa kanilang mga empleyado,” sabi ni Magno.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
