Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang bagong inaprubahang Wage Order na nagtataas sa minimum wage sa Metro Manila ng karagdagang ₱35.

“Sa pangawalang taong anibersaryo ni Marcos Jr. sa pwesto, ang regalo niya sa mga manggagawa ay ISANG MALAKING INSULTO. Nagpatawag ng wage review para tugunan ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod, tapos 35 pesos lang ang ibibigay? Ni hindi pa sapat para sa isang kilong bigas!” sabi ni Jerome Adonis, KMU secretary general.

Kinastigo rin ng labor group ang administrasyong Marcos dahil idinaan nito ang wage increase sa mga regional wage board sa halip na magkaroon ng bagong batas ang Kamara para sa pagpapatupad ng nationwide wage increase.

“35 pesos na dagdag-sahod, 35 taong kapalpakan ng regional wage boards. Walang mabuting nadulot sa mga manggagawa ang Wage Rationalization Act na nag-anak ng regional wage boards. Hindi nakikinig sa daing at panawagan ng mga manggagawa, pawang interes ng mga employer ang pinapanigan. Walang ibang nararapat gawin kundi buwagin!” ayon pa sa KMU.

“Ang panawagan ng mga manggagawa ay nakabubuhay na sahod, pero ang ibibigay satin ay masahol pa sa barya. Akala ata ni Marcos Jr. ay maloloko niya tayo sa kanyang pagpapapogi at pagpapabango. Sa aming mga manggagawa, malinaw ang kanyang nagiging legasiya – barat, pabaya, sinungaling, pasista!” ayon kay Adonis.