Hinimok ng Akbayan party-list ang publiko na makiisa sa mga kaganapan mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, bilang bahagi ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ibinahagi ng Akbayan party-list ang mga nakatakdang aktibidad para sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Magsisimula ang mga naturang aktibidad sa Pebrero 22, ayon sa Akbayan.
“Sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng ating makasaysayang pagtindig laban sa diktadura ni Marcos Sr., muli tayong tinatawag ng diwa ng EDSA— hindi lamang upang gunitain ang nakaraan, kundi upang harapin ang mga hamon ng kasalukuyan laban sa korapsyon at mga dinastiya,” mababasa sa Facebook post nila ngayong Huwebes, Pebrero 12.
Sa Pebrero 22, nakatakda ang “Roar! Walk for People Power” na gaganapin sa Cubao, Quezon City na pangungunahan ng August Twenty-One Movement (ATOM).
Sa parehong araw ay gaganapin din ang isang misa na pangangasiwaan ni Cardinal Pablo Virgilio David sa EDSA Shrine.
Gaganapin naman sa Pebrero 23 ang “People Power vs Duterte’s EJK” sa Scout Circle, Quezon City habang sa Pebrero 25 ang ‘Trillion Peso March Part 3’ sa EDSA Shrine.
Ulat ni Jilliane Libunao
