Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga kabataan na maging mapanuri at aktibong makilahok sa mga talakayan tungkol sa pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa Open Government Partnership, sinabi ni Remulla na hindi dapat maging tahimik ang kabataan sa harap ng mga isyung may kinalaman sa pamahalaan.
Aniya, mahalagang bantayan ang mga programa at proyekto ng gobyerno upang matiyak na nagagamit nang tama ang pondo ng bayan.
Binigyang-diin din ng kalihim na ang transparency at accountability ay mga pangunahing haligi ng mabuting pamamahala. Dagdag pa niya, ang pagpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno ay hindi lamang tungkulin ng mga institusyon kundi responsibilidad din ng bawat mamamayan.
Ayon kay Remulla, malaki ang maitutulong ng kabataan sa pagpapalakas ng demokrasya sa pamamagitan ng pagiging mulat, pakikilahok sa mga usaping pampubliko, at paggamit ng kanilang boses upang isulong ang mga makabuluhang reporma.
Hinimok din niya ang mga kabataan na maging responsable sa paggamit ng social media at tiyaking batay sa katotohanan ang impormasyong kanilang ibinabahagi at pinaniniwalaan.
Sa huli, sinabi ni Remulla na ang isang bukas, tapat, at may pananagutang pamahalaan ay maisasakatuparan lamang kung aktibong nakikilahok ang mga mamamayan, lalo na ang bagong henerasyon.
