Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Huwebes, Hunyo 13, na ‘authentic’ bagamat luma na ang mga military uniform ng People’s Liberation Army (PLA) ng China na natagpuan sa compound ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga awtoridad kamakailan.

“We’ve talked to military experts from within the intelligence community. Apparently, they agree na ito nga ay mga authentic na military People’s Liberation Army (PLA) uniforms. But then again, dated na po ito, meaning to say, mga lumang uniporme,” sabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio.

Sinabi ni Casio na posibleng ang mga veteran Chinese military personnel ay nagtatrabaho o mga may-ari ng sinalakay na POGO hub.

Posible rin, aniya, na ang mga uniporme ay bahagi ng koleksyon ng isang indibidwal.

Tiniyak naman ni Casio na nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil dito upang matukoy kung totoo ang mga intelligence report na nagsasabing napasok na ng mga Chinese sleeper cells ang ilang lugar sa bansa.