Nagkagirian ang mga anti-riot ng Makati Police Station at isang grupo ng mga raliyista sa tapat ng Consulate Office ng China sa Gil Puyat Avenue, Makati City nitong Biyernes, Hunyo 14, ng umaga.
Dakong alas-9 ng umaga nang dumagsa ang mga raliyista sa tapat ng The World Center kung saan matatagpuan ang Consulate Office ng China dahilan upang sila ay harangin ng mga tauhan ng Makati Police Station na armado ng mga batuta at shields.
Ayon sa mga raliyista, kinokondena nila ang ipatutupad na “Trespassing Rule” na ipatutupad ng pamahalaan ng China sa kanilang inaangking teritoryo sa West Philippine Sea simula bukas, Hunyo 15.
Una nang nagbabala ang China na aarestuhin nito ang sino mang “manghihimasok” sa bahagi ng West Philippine Sea kung saan nakaposisyon ang mga barko China Coast Guard.
Tumagal lamang ng ilang oras ang kilos protesta ng mga militanteng grupo sa tapat ng The World Center bago tuluyang nilisan ang lugar.
Samantala, nagdulot ng matinding traffic nang okupahin ng mga militante ang Gil Puyat Avenue patungo sa direksiyon ng EDSA sa tapat ng Konsulada ng China.