Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naghahanap ang administrasyon ng karagdagang pondo para sa Mindanao Railway Project (MRP) kasunod ng pagkansela ng financial commitment mula sa China.
“Napakalaking proyekto na Mindanao Railway Project Phase 1 na magsisimula sa Digos papuntang Davao hanggang Tagum, na kasalukuyan nating hinahanapan ng karagdagang pondo,” pahayag ni Marcos.
“Layunin nitong mapabilis hindi lamang ang daloy ng transportasyon, kundi pati na ang pag-usad ng kaunlaran sa inyong lugar,” dagdag ni Marcos.
Isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) ang first phase ng Mindanao Railway Project, na mag-uugnay sa Tagum City sa Davao del Norte at Digos City sa Davao del Sur.
Ang 100.2-kilometrong segment ay nagkakahalaga ng P81.6 bilyon.
Kapag nakumpleto, babawasan nito ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Tagum at Digos mula sa tatlong oras hanggang isang oras lamang, na inaasahang magsasakay ng 122,000 pasahero kada araw.